Tuesday, March 15, 2011

BLOW-BY-BLOW: MAGELLAN VS. LAPU-LAPU

Photobucket
Following is the continuation of Lolo Ome’s tribute to our national hero Lapu-Lapu. Hopefully, to show to the present day readers and next generation that “TONG,” indeed, was the very root cause of Magellan’s death in the hands of a Pilipino chieftain Lapu-Lapu. This Magellan series is complementary to the present political revolution to do away graft and corruption in governance and follow the path of righteousness.

Si Lapu-Lapu lamang, sa mga lider tribu ng karatig pulo ng Cebu, ang hindi dumalo sa miting na ipinatawag ni Magellan.

Bilang ganti ipinasunog ni Magellan sa kanyang marino ang kapitolyo ng isla kasabay ang pag-gahasa sa ilang kababaihan.

Matapos ang panununog, kagyat na nagpadala ng sugo at iniutos kay Lapu-Lapu na magbigay ng takdang bilang ng baboy, kambing, manok, bigas at niyog. Sa pananaw ni Lapu-Lapu ang atas na ito ay malinaw na matatawag na “TONG”. Kalahati lamang sa hiningi ang ipinadala ni Lapu-Lapu.

Lalong nagalit si Magellan sa di pagbibigay ni Lapu-Lapu ng takdang “TONG” na kanyang kinailangan.

Ito ay tahasang rebelyon at hindi n’ya dapat palampasin sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga tauhan. Katuwiran nila, tatlong linggo na sila sa Cebu, tagumpay na nahanap na nila ang lagusan pakanluran at panahon na upang lumisan pabalik at mag-uwi sila ng maraming panlahok (spices) at sari-saring kalakal. Hindi na dapat personal na lumapag sa barko si Magellan upang tugisin si Lapu-Lapu. Labag ito sa kautusang militar at kaugaliang nabal.

Matigas talaga ang ulo ni Magellan.Tinanggihan ni Magellan ang alok ni Raha Humabon na isang libong sundalo, gayun din ang tulong ng anak ni Humabon na pangunahan ang sabay na pag-atake sa likod ng Mactan. Tinanggihan din ang alok na tulong ng isa sa anak ng kagalit ni Lapu-Lapu, si Zula, isa pang lider sa pulo ng Mactan.

Paniwala ni Magellan na tadhana ng Diyos na siya mismo ang mamuno sa maliit na pwersa, ngunit may higit na makapangyarihan armas, upang matigil ang rebelyon ni Lapu-Lapu at hindi pamarisan ng iba.

Ang barkong Trinidad kasama ang dalawa pa ay umalis ng Cebu. Sa maikling oras ng paglalayag, nag-angkla sila sa may isla ng Mactan. Hating-gabi nang Abril 27, 1521, handa sa laban na sumakay sa tatlong maliit na bangka ang 60 armadong sundalo sa pamumuno ni Magellan. Humimpil sila malapit sa pampang ng Mactan. Sa di kalayuan ay nakahimpil din ang ilang bangka, lulan ang ilan katutubo kabilang ang mag-ama ni Raha Humabon, upang maging saksi sa pangakong tagumpay ni Magellan.

Tatlong oras bago sumapit ang bukang-liwayway, isang sugo ang pinaahon ni Magellan upang himukin si Lapu-Lapu na isuko ang kanilang armas. Tinawanan at inaglahi lamang ito ni Lapu-Lapu. Sinabing handa silang ipagtanggol ang Mactan, kasabay ang hatid-pakiusap kay Magellan na hintayin ang sikat ng araw bago umatake dahil may hinihintay pang mga kakampi si Lapu-Lapu.

Inakala ni Magellan na ito ay isang pakana upang sa halip ay sumalakay agad habang madilim pa at mahulog sa inihandang mga patibong ni Lapu-Lapu. Kaya naman iniutos ni Magellan na manatili sa bangka at hintayin ang pagsikat ng araw.

Naging mahirap sa 60-kataong pangkat ni Magellan ang tatlong oras na paghihintay sa maliit na bangka suot ang mabigat na baluting bakal at pasan ang mabibigat na baril at iba pang armas pandigma. Dagdag pa rito ang tagaktak na tulo ng pawis dahil sa init ng gabi kasabay ang kagat ng naglipanang lamok sa bahagi ng mukha, kamay at paa na walang baluti.

Bukang-liwayway na nang lumusong sa tubig si Magellan at mandirigmang Kastila dahil hindi makalapit ang tatlo nilang bangka sa pampang sa dami ng mga corals (bulaklak ng bato) o bahura at bato sa baybay. Hanggang baywang ang lalim ng tubig, pasan nila ang mabibigat na armas at lalong naging mabagal ang kilos sa suot na baluti. Labing isang tauhan ang naiwan sa bangka upang magsilbing arteleriya, proteksyon sa pag-ahon sa pampang.

Sa kanilang pag-ahon, kanilang nabatid na hindi pala abot sa pampang ang bala ng artileriya. Bukas na bukas sila sa mga katutubo. Handang-handa si Lapu-Lapu. Tatlong maluwang at malalim na hukay o trenches ang dapat nilang tawirin. Sa pagitan ng bawat trentseriya ay hindi abot ang kanilang punlo sa naghihintay na katutubo.

Marami sa mga sundalo ni Magellan ay hindi pala sanay gumamit ng krus na panudla o crossbow kaya pasimula pa lamang sa unang trentseriya ay batid na nila na ang ekspedisyon ng 60 armadong Kastila laban sa isang libong tauhan ni Lapu-Lapu ay pagsuong sa tiyak na kamatayan. Walang silbi ang maikling baril na madaling maubos ang pulbora at bala.

Iniutos ni Magellan ang tigil putukan at labanan ang katutubo ng malapitan (hand-to-hand combat).

Kinailangan bumaba at pumakabila sa unang hukay. Umatras naman ang grupo ni Lapu-Lapu upang lalong mapalayo sa baybayin ang lumulusob na kaaway. Kagyat na inatasan ni Magellan si Cristobal Rabelas at Juan de la Torre na sunugin ang malapit na bahayan. Di pa gaanong nakakalayo ang ilang tauhang inatasan ay napalibutan na ang mga ito ng pulotong ng mga katutubo at nasaksihan ni Magellan ang kamatayan ng kanyang mga tauhan.

Bumulaga kay Magellan na wala silang laban. “Atras soldados” ang utos ni Magellan. Ang iba ay takbuhang pabalik habang ang iba ay lumalaban. Gayun na lamang ang hirap nila bago makaahon sa hukay-patibong ni Lapu-Lapu pabalik sa pampang kung saan sila ay pinaligiran ng pangkat ni Lapu-Lapu upang pigilan makabalik sa barko. Nagkanikaniyang karipas ng takbo ang mga kastila sa kabila ng utos ni Magellan na laban ang iba habang atras ang ilan.

Naiwan si Magellan at walo pang sundalo kasama ang matapat na alagad – si Enrique at Don Antonio. Sa pakikipaglaban, tinamaan ng palasong may lason ang hita ni Magellan. Binunot n’ya ito at magiting pa ring lumaban habang ang lason ay tumatalab sa kanyang katauhan.

Bilang tunay na Kapitan Heneral nanatiling siyang nagtanggol hanggang sumapit sa tubig patungo sa barko ang ilang nalabing sundalo. Saka pa lamang umatras ang natitirang pangkat ni Magellan.

Pantay tuhod ang tubig, nakipaglaban pa rin ang pangkat ni Magellan. Dalawang ulit nalaglag ang helmet ni Magellan dahil sa ulan ng sibat ng kalaban sa isang oras na pakikibaka na walang katiyakan.

Nagpadala ng tulong-pwersa si Raha Humabon. Subalit bago pa sumapit sa labanan ay sila mismo ang napuntirya ng maling asinta ng kanyon buhat sa barko at ang mga ito ay nagkahiwahiwalay ng walang katuturan.

Lima na lamang ang nalabing lumalaban sa tropa ni Magellan. Apat ang nasawi sa tama ng sibat sa kabila ng kanilang suot na baluting metal. Si Magellan mismo ay may tinamong sugat sa mukha at hinabol n’ya ng sibat ang katunggali. Wala na ang ipinukol na sibat, pilit n’yang inabot ang kanyang sable sa kanyang baywang subalit hindi na nakuhang mahugot sa kaluban dahil tinamaan s’ya ng sibat sa kamay.

Naging mabilis ang mga pangyayari. Sumugod si Lapu-Lapu at inundayan ng taga ng kanyang kampilan ang walang baluting paa ni Magellan. Bagsak patihaya, TIMBUWANG sa tubig si Magellan. Sinibat at inundayan ng saksak at sisinghap-singhap na naanod sa dagat ng Mactan hanggang bawian ng buhay.

Sa puntong ito natuon ang atensyon ni Lapu-Lapu at mga kampon sa pagkagapi kay Magellan, dahilan upang makatakas ang apat na nalabing tauhan ni Magellan. Tulala at hindi makapaniwala ang mga nakasaksi sa kamatayan ni Magellan; “ang tumugis ang siyang napatay ng tinugis.” (“The hunter was killed by the hunted.”)

Sugatan, halos agaw-buhay na nakabalik sa barko sina Don Antonio, Enrique, Filberto, at Escobar. Nasulat sa dayari ni Pigafetta ang kamatayan ni Magellan: Pinatay nila “ang aming salamin, ang aming liwanag at taga-alo, at siyang tunay naming patnubay” sa paglalayag. (They killed “our mirror, our light and comfort, and our true guide.”)

Sa bawat kasaysayan, may mapupulot na aral. Aral sa buhay na dapat limiin at pakinabangan. Piliin ang mabuti, ang masama ay iwaksi. Malinaw na TONG o “LAGAY” ang nagsilbing mitsa sa kamatayan ni Magellan.

Ang mga pangyayari sa buhay ni Magellan at Lapu-Lapu ay angkop pa rin sa ngayon. TONG ( LAGAY) ang dahilan sa kamatayan ni Magellan.

Higit na angkop, sapagkat lalong talamak ngayon ang “TONG.” Bahagi na ng buhay sa pamahalaan, local o nasyunal, ang TONG lalo na sa mga pagawaing bayan. May komisyon daw buhat sa mga kontraktor bago mapili sa biding.

Matapos manalo sa biding, TONG pa rin. Sa bawat pagsingil sa bahagi ng pagawaing natatapos (progress billing), TONG na naman.

Sumbong ng ilang kontraktor: “sobra na.” Sana daw naman ang TONG buhat sa kanila ay maibahagi man lamang sa higit na nangangailang empleyado at hindi sa bulsa lamang ng ilan napupunta. Ilang kawani na pinagkakatiwalaan. Ilang kawani na siyang susi at ugat ng katiwalian. Katiwalian ng ilang grupo na nagiipon kuno ng pondo na tila bunton ng buhangin na siyang ikakalat (daw) sa tuwing halalan.

Dagdag pa nila, paano pa sila kikita. Kaya ang uri at kalidad ng proyekto ay apektado. Ang sambayanan ang napeperwisyo.

Ito diumano ay “Standard Operating Procedure” (SOP) sa mga proyekto ng pamahalaan na ang pondo ay galing sa kaban ng bayan, ng lungsod, o lalawigan, lalo’t higit kung ang pondo ay yaong tinatawag na “Pork Barrel” buhat mambabatas para sa proyekto sa pagpapaunlad ng komunidad sa buong bansa.

Walang kumpa-kumpare, walang kama-kamaganak. Ang lahat ay pantay-pantay sa ngalan ng “SOP.”

Kahit daw sa ibang proyekto, na ang malalaking pondo ay utang o donasyon buhat sa ibang bansa, kadalasan TONG ang padulas upang isakatuparan.

Madalas batikusin ang TONG sa radyo, telebisyon at pahayagan. Subalit patuloy pa rin ang TONG sa kasalukuyan. Naging talamak na ang korapsyon maging sa hanay ng militar.
Mahirap patunayan, sapagkat marami ang nakikinabang. Walang maglakas loob na magbulgar ng katiwalian, dahil daw ang tunay na hustisya ay hindi naman makakamtan.
May ilang nagbuking subali’t sila ngayon sa balag ng alanganin ay nakalambitin kung hindi sa tulong at pagkupkop ng mga may pusong anak ng birhen. Sila pa mismo ang sinampahan ng mga kaso na kanilang haharapin.

Ultimong sa proseso ng ating hudikatura korapsyon ay bahagi na; tila umakyat na hanggang korte suprema.

Ang ginatasang kontraktor hindi maka-alma dahil walang kontrata kung hindi makikisama at makilaro sa “SOP” ng proyektong pambayan.

Isang Lapu-lapu ang kailangan upang ang TONG ay maglaho sa lipunan. Mabuhay si Lapu-Lapu, dangal ng bawat Pilipino!

Bato-bato sa langit, tamaan ay hwag magagalit. Sa tumatanggap ng TONG, balang araw may isang LAPU-LAPU sa buhay mo ay hahanTONG at di papayag MAGLAGAY NG TONG. Baka ang Lapu-Lapung ito ang siyang magsilbing tinik sa lalamunan mo at maging daan sa iyong TONGbalelong.

At dahil din sa “LAGAY” na TONG – tiyak ala Magellan ay timbuwang ka, pare koy. “Patay kang bata ka!” Goodbye!

P.S.
Dapat naman ang kasalukuyang kampanya ni P-NOY laban sa katiwalian ay totohanan talaga. Dapat hindi pamumulitika at gimik lamang pala. Dapat sa susunod na eleksyon, mga politiko na TONGkulin ang atupag sa halip na pag-ganap ng mahalagang tungkulin ay hwag nang iboto pa. Sila na naghahangad ng TONGkulin sa pamahalaan ay hindi
karapatdapat bigyang puwang pa.

Nagpupugay sa may tunay na adhikaing maglingkod sa bayan ng malinis at tapat, Lolo Ome.

No comments: