Saturday, January 29, 2011

“KWENTONG KUTSERO”


Written after P-Noy’s amnesty to rebel soldiers, EO 27, 2010.


Alam ba ninyo kung ano (what?), saan (where?), kailan (when?), sino (who?) ang pasimuno, at paano (how?) ang kasabihang “Kwentong Kutsero?” At bakit? (why?) Let us find out the five Ws and one H, the whys and the wherefore, of the story.

Tama po kayo. Tunay na ang kawikaang ito ay buhat pa noong panahon ng kastila, galing sa pusod ng kolonyal na Maynila – ang sentro ng kapangyarihan ng Espanya sa Arkepelago ng Filipinas (noon).

Kung paano at sinong pasimuno sa “kwentong kutsero” ay siyang tampok sa isyung ito. Ingat lang po at baka ilang butil ng dumi ng kabayong bisiro at ampiyas ng mapangheng ihi ng babaeng kabayo ang maranasan n’yo. At kung ganito nga ang maranasan mo, tiyak masangsang na amoy ang dala-dala mo.

Problema ang trapiko ngayon. Sa kalakhang Maynila, ito ang malaking suliranin ng Metro-Manila Development Authority (MMDA).Tunay na ito ang sakit ng ulo ni Chairman Bayani Fernando. Kaya naman eksperimento dine, eksperimento doon, sa hangad makalas ang buhol-buhol na trapiko sa lansangan sa kabila ng mga batikos na inaani kaliwa’t kanan… KALIWA, KANAN.

Kamakailan lamang sa matinding buhos ng ulan na dulot nang climate change ay naipit si Lolo Ome sa Makati. Pauwi na ako noon buhat gusaling 6750, Ayala Avenue, sa tanggapan ng Bechtel Overseas Philippines.

Sa “Oakwood Area” pa lamang, kung saan naganap ang “katapusang rebolusyon” daw at ngayon nga ay bahagi na nang Philippine History, ay usad pagong na si “YT” habang nagiisang hawak ni Lolo Ome ang manibela nito.

Solo flight si Lolo sa gitna ng matinding buhos ng ulan lulan ng kotseng may kulay dirty white at may bangas kaliwa’t kanan, unahan at hulihan. Oto ba ‘to? (Is this an automobile?) Pwede na rin, kaya binigyan ko ng pangalang “Dorothy White Bangs” ang kotseng nabanggit dahil sa tunog ng “dirty white, bangas.” Ang nickname o palayaw nito ay “YT,” from the word WHITE.

Wala akong magawa, dahil heavy traffic talaga sa buong Kamaynilaan, kung hindi ang magnilay-nilay.

Gaya nang inyong inaasahan, balik-tanaw sa history - panahon ng Kastila. Wala pang kotse noon. Hindi kasing sikip ang populasyon sa Maynila. Malinis at libre pa sa carbon monoxide ang kapaligiran.

Langhap sariwang hangin ang Pinoy, Chinoy, Kastilalaoy at lahat ng mamamayan noon sa buong kapuluan.

Kaiba naman ang polyusyon sa Maynila nang panahong yaon – maraniw ay buhat sa mga kabayo at mga kalabaw – amoy dumi ng mga hayop na ito, at may pagkakataong maapakan mo ang nakakalat na dumi nila.

Isang artikulo – Ilustracion Filipina, 1859 ang naglahad ng ilang bagay tungkol sa mga drayber ng kolonyal na Maynila. Batay sa di kagandahan ng tono ng pagkwento, di kataka-takang sinulat ang artikulo ng isang buhat sa nakaririwasang pamilya dahil ang tawag nila sa mga cocheros (drayber) ay Quicoy, Pancho, Pololo, at iba pang palayaw kastilaloy. Cochero – salitang-ugat ay English word coach (a large usually closed 4-wheeled carriage having doors in the sides and an elevated seat in front for the driver).

Noon, bago maging isang ganap na cochero de familia (family driver), ang isang lalaki ay maraming pambahay na gawain ang dapat pinagmulan. Dapat munang magsilbi bilang portero (messenger), muchacho de cuarto (housekeeper), sota (horsekeeper), katapusan ay cocinero (cook).

Kaya naman may kaakibat na dangal ang maging cochero. Ang cochero ay hinog sa karanasan sa pamamasukan sa kanyang amo, wika nga nila. Kahit walang karanasan sa pagmameho ng karetela (horse-driven 2-wheeled vehicle, an improvised coach in the Philiipines), taas noo sila. At ilang araw lang ay mapangahas nang nakaupo sa pescante (driver’s seat) ng karetela.

Pescante ay buhat sa salitang ugat na pescar na ang ibig sabihin ay mangisda (to fish). Ibinabadya o ipinapahiwatig na habang nakaupo ang cochero ay tila namimingwit o nangingisda gamit ay bingwit habang hawak ang renda (rein) ng kabayo. Sabi nga nila: 95 porciento ng mga cochero sa Maynila ay hindi alam kung ano ang binibingwit nilang isda. Subalit nagiging eksperto sa pag-renda ng kabayo dahil sa salapi at pasensya ng kanilang amo. Di ba pamilyar ang tunog ng kasabihang ito?

O di ba-ga angkop ang taludtod na ito sa sitwasyong politikal ngay-on? Baliktad nga lamang kabayan.

Si Juan dela Cruz (mahirap na mamamayan) ang kabayo, sinasakyan ng politikong kutsero (mayamang amo). Salapi ni Juan ang inaabuso at habang nagtatagal hinuhuthot lahat ito hanggang mabundat ang tiyan ng kutserong pulitiko sa halip na pakainin, alagaan at busugin ang kabayong si Juan. Di ga’t ito ang nagbabagang katotohanan sa ngay-on at laging laman ng pahayagan, balita sa radio at telebisyon? O di-ga at tunay na kaawa-awa si Juan? Ala eh, baken ga?

Hindi ba-ga at gay-an din at kahalintulad ang puno’t dulo at ugat ng pag-alburoto ng mga “KU PLOTTERS” daw – in Oakwood Mutiny? . . . Sa daigdig ng militar, ang mga sundalo ang hinuhuthutan ng nasa itaas na mga Heneral. Totoo o Ku Wentong Ku tsero? E di itanong sa Ku Mander in Chief!

Noong paslit pa si Lolo Ome kasiyahan kong sumama sa tatay ko (Atanacio "Tana" Casulucan Nagpala, SLN) sa pag-kukutsero. Tuwang-tuwa ako sa paghawak ng renda ng kabayo habang nakaupo sa pescante at mag-aral magmaneho. Sabi ng Tatay ko: MANO, kung sa gawing KANAN ang dapat tunguhin ng kalesa at SILLA, kung sa KALIWA naman ang punta mo. Tunay na ako’y litong-lito.

Ang salitang MANO at SILLA ay buhat sa Kastila sa Pilipinas noon. Sa wikang Pilipino ang ibig sabihin ay kamay (mano) at upuan (silla). Subalit hindi dapat ito sabihin sa kutserong kastilaloy. Sapagkat sa orihinal na wikang kastila ang tama ay isquierda (kaliwa) at derecho (kanan).

Katuwa naman ang pagka-intindi nating Pinoy. Kapag sinabing derecho ay patuwid ang dapat na tungo. Ang ugat (origin) ng mga salitang kastilang nabanggit ay dito lamang sa Pilipinas at nagsimula sa kolonyal na panahon.

Sa tamang pagkakaupo ng cochero sa pescante, na tila namimingwit, ay hawak n’ya sa kanyang kamay (mano) ang renda ng kabayo samantalang ang kaliwang kamay ay nakapatong sa hawakan (armrest) ng upuan (silla). Dahil dito, binibigkas ng amo: MANO, kung dapat gumawi sa kanan sapagkat kanang kamay ang dapat gamitin ng cochero sa paghatak ng renda sa kanan; at SILLA naman kung sa kaliwa ang tungo dahil ang kaliwang kamay ng cochero na nakapatong sa silla ang dapat gamitin niya sa paghatak ng renda sa kaliwa.

Dalawa ang kabit o kawit na renda sa kabayo. Isa sa kaliwa at isa sa kanan ng vocado(maliit na bakat na tangay sa bibig bahagi ng saklob sa ulo at mukha ng kabayo). Ito ang mahalagang bahagi ng gornacion (harness) na suot ng kabayong pang-kalesa, karetela, o tiburin. Sapagkat sa pamamagitan ng renda may direksyon at kayang patigilin ang takbo ng kabayo. Ang renda ang susi sa kaligtasan ng sakay ng kalesa. Ito rin ang susi sa kamay ng isang hinete sa ibabaw ng kabayong pangarera.

Buena mano ay palasak na salita noon gamit ng amo kaugnay sa kutsero. Hindi ang ibig sabihin ay unang benta (first sale) ng isang manininda o tindera sa kahulugan mismo sa panahon natin ngayon upang bigyang katuwiran ang bawas presyo (discount). Ang Buena mano ay nangangahulugan na mahusay ang kamay (good hand) ng cochero sa pagrenda ng kabayo, pag-aalaga at paglilinis ng kabayo pati ng kalesa at cuadra (horse stable).

Sa pang-karaniwang cochero, damo lamang o zacate (katumbas marahil ng diesel gas), ang pagkain ng kabayo na bili sa zacaetro. Ngunit sa isang magaling na cochero, ang supply na pagkain sa kabayo ay palay/mais na may halong pulot (katumbas marahil ng premium gas), bukod sa sariwang damo.

Kilala ng cochero ang kaniyang kabayo hindi sa pangalan nito kundi sa angking kulay: el bayo, kung kulay itim, el moro kung initiman na may bahid na puti sa ulo o paa nito. El castaño sa kulay kayumanggi (chestnut brown). El blanco sa putting kabayo.

Inaalagaan ng cochero ang kalusugan at kasiyahan ng kabayo. Matapos ang mahabang viaje, kakalasin ang gornacion at pinagugulong kusa ang kabayao sa lupa. Gustong-gusto ito ng kabayo, pagkatayo ay pipilig pa ito ng ilang ulit upang palaglagin at matanggal ang kumapit na lupa at alikabok sa katawan, bago siya tuluyang ipahinga sa cuadra at bigyan ng pagkain at tubig.

Pinapaliguan din ang kabayo at inaalmuhasa (brushing the whole body with hard comb, usually made of aluminum or wrought iron. Bahagi ito ng pang-araw-araw na pag-aalaga sa kabayo.

Alam ng cochero ang tamang galaw at takbo ng kabayo upang matiyak ang matining na gulong ng kalesa sa kasiyahan ng amo at mga sakay nito. Tulad sa pagpapatakbo ng sasakyan sa bagong panahon, alam nila ang takbong primera, segunda, tercera, cuarta, quinta, atras (gear shifting). Bukod sa atras (backing o back step), may tatlo lamang hanggang apat na bilis o tulin (speed) ang takbo ng kalesa o karetela depende sa kakayanan ng kabayo: trotanto (trotting) – yagyag sa tagalog, galope (full gallop o sagad na tulin), escape (rush) o pabigla-bigla ang takbo, at paso (smooth pass) o matining na mabilis ang takbo.

Gamit ng kutsero ang sigaw o mahinang boses sa kanyang ugnayan sa kabayo. Alam din ng cochero kung kailan at paano gagamit ng sigaw o senyas bilang babala sa pedestrian at sa ibang sasakyan sa lansangan habang patuloy ang takbo ng karetela nito.

Matapos ihatid sa paroroonan ang mga amo, kaugalian ng mga cochero na iparada sa lilom ng mga punong kahoy na nakayungyong sa kalsada ang kanilang karetela. Ito ay karaniwang tanawin sa pook Binondo, Divisoria, Intramuros, Ermita noon. Nagpapahinga sila habang naka-upo sa pescante o sa likod na upuan ng kalesa, dili kaya’y nakahiga o natutulog sa paghihintay sa kanilang sakay na pasahero.

Kalimitan habang naghihintay, kwentuhan ang mga cochero at palitan ng sari-saring inpormasyon tungkol sa kani-kanilang amo. Ibinabahagi din ang ano mang tsismis o balita na nadinig sa usapan ng amo at kasama nito habang ang cochero ay tahimik ang pag-kakaupo sa pescante.

Sa ganitong paraan kay bilis kumalat ang tsismis at bulong-bulongan. Maging ang tunay na balita ay nasasagap sa kwentuhan ng mga cochero. Depende sa pandinig ng cochero at interpretasyon nito sa naulinigang usapan sa kanyang likuran, nag-iiba sa katotohanan ang ibinabahagi sa kanilang palitan ng kuro-kuro at usapan habang hinihintay ang pagbalik ng amo nilang tisoy o tisay.

Sa paglakad ng panahon, tinawag itong “KWENTONG KUTSERO” - half-truth and half-lie. Paniwalaan dili, wika nga. Belive it or Not!

No comments: