Monday, June 13, 2011

RIZAL @ 150:

MONUMENT-CUM-SHRINE

OF KNOWLEDGE AND GREATNESS

On the momentous sesquicentennial birth anniversary of the Filipino Global Hero Dr. Jose Rizal, His Excellency President Benigno C. Aquino III unveils the tallest Rizal monument at his cradle-town in Calamba June 19, 2011. This statue, standing tall at 13.4 meters in the midst of a two-hectare-land within the future Calamba Commercial Institutional and Recreational Complex, hopefully would become Rizal’s Monument-cum-Shrine of Knowledge and Greatness. Please browse on Lolo Ome’s tribute, written in tag-lish version.


RIZAL KAYTAYOG BANTAYOG-DAMBANA

(NG KARUNUNGAN AT KADAKILAAN)


Hunyo 19,2011 ang ika-150 kaarawan ng ating pambansang bayani Gat. Jose Rizal. Sentro ng pagdiriwang ang kanyang duyang-bayan – Calamba (isa nang lungsod mula Abril 21, 2001) sa lalawigan ng Laguna.

Bilang pagtingala sa kanyang tunay na kadakilaan at kabayanihan, isang pinakamatayog na monumento sa buong mundo ay pasisinayaan. Ang Pangulo ng Pilipinas mismo, Benigno C. Aquino III, ang panauhing pandangal na magpapasinaya sa pinakamataas na bantayog na ito.

6.710 metro (m) ang taas ng mismong estatua niya, 2.40 m naman ang pedestal nito, at 4.00 m ang pundasyong hagdanan. Mula sidewalk level, ang hagdanan tungo sa pedestal ay binubuo ng 15 baitang, kasama na dito ang dalawang malapad na baitang o landing steps. Ang sidewalk naman ay 0.290 m mula ground level.

Magiging 13.4 m ang kabuoang tayog ng bantayog-dambana ni Rizal sa Calamba. Kasintaas ito ng ikatlong palapag ng bagong gusaling panglungsod ng Calamba na kanyang tinatanaw sa kabilang kalsada 30 m buhat sa kanyang kinatatayuan.

“Rizal Kaytayog Bantayog-Dambana (ng Karunungan at Kadakilaan)” ang mungkahi ng isang kasapi ng “Order of the Knights of Rizal,” Calamba Chapter, na ipangalan sa bantayog-dambana na ito.

Kaytayog. Ibig sabihin ay kaytaas. Kaytayog, sapagka’t ito na ang pinaka-mataas na monumento ni Rizal sa buong mundo ngayon, ayon sa mga ulat.

Bantayog ay isang istraktura na itinatayo bilang simbulo ng pagkilala sa kahalagahan ng isang tao, bagay o kahulugan na dapat bigyang pugay. Halimbawa ay ang “Bantayog ni Rizal” sa Luneta, at maraming sulok ng bansa at sa maraming bahagi ng mundo. Ang “UP Oblation” ay nagpapahayag ng hungkag na katauhan na dapat mabigyan ng lubos na karunungan sa loob ng paaralan; hubad sa kaalaman na dapat bihisan, linangin ng katalinuan.

Dambana. Katumbas ay shrine sa Ingles. “A place or object hallowed by its association” ay isa sa kahulugan ng salitang shrine ayon sa Webster’s New Collegiate Dictionary. Isang halimbawa ang Dambana ng Kagitingan (Shrine of Valor), kay-taas na monumentong krus sa Bundok Samat, Bataan - sagisag ng kagitingan, katapangan ng sundalong Pilipino noong ikalawang digmaang pandaigdig.

Karunungan (Knowledge). Maliit pa si Rizal ay nagbabasa na siya ng mga aklat, dahil ang kanilang aklatan ay punong-puno ng libro. Mulang pagkabata ay hinubog na ang kaisipan ni Rizal ng kanyang butihing ina sa maraming antas ng kaalaman sa buhay. Kaya naman sa kanyang pag-aaral ay naging masigasig si Rizal sa pagtuklas ng higit pang kaalaman. Masidhi ang pagkagutom ni Rizal sa karunungan at simbuyo ng damdamin sa tagumpay.

Ilan sa kursong tinapos ni Rizal: Bachelor of Arts (Excellent, 1877, Ateneo), Degree of Surveyor (UST, 1878), Licentiate in Medicine, Philosophy and Letters (Excellent, Universidad Central de Madrid, 1884). Matatas din si Rizal magsalita, sumulat at bumasa sa 22 linguwahe.

Rizal was also known world-wide as: Novelist, ophthalmic surgeon, architect, educator, artist/painter, sculptor, historian, economist, journalist, businessman, cartoonist, ethnologist, scientific farmer, inventor, musician, mythologist, nationalist, poet, propagandist, psychologist, scientist, sociologist, sportsman, and theologian. (Excerpt, Life and Works of Rizal – Department of Social Services, UP Mindanao).

Kadakilaan (Greatness). Wagas ang pagkadakila ni Rizal. Patunay ang patuloy na pagkilala ng buong mundo sa dakila niyang pag-ibig sa Inang Bayan at sukdulang ibinuwis ang sariling buhay sa kapakanan ng sambayanan. Wika nga ni Balagtas (?) sa kanyang panulat: Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya, sa pagka-dalisay at pagka-dakila; gaya ng pag-ibig sa sariling lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala!

Tumpak na tawaging dambana ng karunungan at kadakilaan ang bantayog na ito bilang pag-kilala at pag-dakila ng sambayanan at buong mundo kay Rizal sa kanyang sesquicentennial birth celebration. Higit na tumpak sapagkat ang Knights of Rizal ay masigasig na katuwang ng Executive Committee for the 150th birth anniversary of Dr. Jose P. Rizal.

Ang Knights of Rizal ay itinatag December 30, 1911 nang binuo ni Col. Antonio C. Torres ang isang grupo ng siyam (9) caballeros buhat sa iba’t-ibang antas ng buhay upang bigyan ng wagas na pagpapahalaga ang pag-gunita sa pagka-martir ng ating pangunahing bayani Dr. Jose Rizal tuwing araw nang kanyang pagsilang at lalo na sa kanyang pagpanaw.

Noong Nobyembre 16, 1916 ang “Orden de Caballeros de Rizal” ay pormal na naitala sa Securities and Exchange Commission ng Pilipinas. In 1951 RA-646 bestowed upon the Knights of Rizal “the necessary powers to enable it more fully and more effectively to accomplish the laudable purpose for which it was organized.”

Ang mahalagang misyon ng asosasyon ay upang buhayin sa puso, diwa at isipan ng sambayanan, at lalo na sa kabataan, ang adhikain (ideals) at panuntunan (principles) na isinabuhay ni Rizal at naging sanhi ng kanyang kamatayan.

“Rizal Kaytayog Bantayog-Dambana ng Karunungan at Kadakilaan” ay simbulo ng aydiyalismo at pagpapakasakit sa Inang Bayan ni Gat Jose Rizal. Kinikilala siya bilang isang global hero. Ipinagpatayo siya ng kaukulang bantayog sa maraming bansa. Patunay ang naglalakihang monumento ni Rizal sa Germany, Francia, Chekoslovakia, Singapore, Austria, Espania, China, at iba pang bansa.

Marapat lamang na may isang Kay-Tayog Bantayog-Dambana ng Karunngan at Kadakilaan sa kanyang duyang-bayan mismo ang pinasinayaan ng Ika-15 Pangulo ng Pilipinas bilang pagpupugay ng sambayanan at ng buong mundo sa Karunungan at Kadakilaan ni Gat. Jose Rizal.